OPM is NOT DEAD

Karamihan ng mga Pinoy nagsasabing patay na ang OPM.

Bakit?

Iba na raw yung tunog. Hindi na tulad ng dati.

Wala na bang makakahigit kanila Rey Valera, Ogie Alcasid, Kuh Ledesma, Lani Misalucha? Wala na bang makakapantay sa Eraserheads at Rivermaya?

Siguro oo. Siguro hindi.  Ani nila ito raw kasi yung mga rason bakit patay na ang OPM:

1. Nasaan na ang mga music artists na nakilala natin sa singing competitions tulad ng The Voice at iba pa? HIndi sila nabibigyan ng break na nararapat para sa kanila.
2. Basta sikat kahit hindi marunong kumanta nagkaka-record at album.
3. Basta sikat kahit hindi marunong kumanta napaparangalan sa larangan ng musika at nababansagang isa sa mga mahuhusay.
4. Samantala karamihan ng mga passionate sa music at may angking galing at talinhaga ay hindi napapansin at hindi nabibigyan ng parangal.
5. Mas naririnig natin ang kanta ng mga artistang hindi naman singer pero may album.
6. Hindi natin madalas marinig ang mga boses ng naturingang singer talaga.
7. Makikilala lang natin ang mga musikerong ito kapag nagbrowse tayo sa YouTube, nanood ng gigs, at kapag nirefer sila sa atin ng mga kakilala natin.
8. Nasaan na ang mga composer at producer na dedicated sa music, hindi lang puro sa pera?
9. Mas pumapatok ang mga awiting wala naman saysay kaysa sa mga awiting may kabuluhan at malalalim ang mensahe.
10. Tayo rin ang may kagagawan. Hindi ko alam ano bang pamantayan ng Pinoy sa pagpali ng awiting tatangkilikin.

Para sa akin, hindi pa patay ang OPM. Pero ang Philippine Music Industry, may kakulangan. Hindi pa patay ang OPM dahil may mga music artists ang patuloy na lumilikha ng musika. Ito ang musika na dapat mas tinatangkilik ng Pinoy. Hindi lang sila basta singers, composers at bands dahil may mas malalim silang adhikain. Hatid nila ang musikang Pinoy. Hindi man sila gaanong sikat, hindi yun naging dahilan para tumigil sila sa larangan ng music. Sana ay mas mabigyan natin ng pansin ang mga genius na tulad nila Sud, Clara Benin, TJ Monterde, Migz Haleco, Ericka Villanueva, Emmanuelle at marami pang iba. Sana mas pinapakinggan natin ang mga banda na nasa Underground. Sana ay hindi tayo magmistulang bingi sa tunay na music. Sila ang tunay na bumubuo sa musikang Pinoy, sa OPM. Aabangan ko ang panahon na mas makikilala na sila, mas maririnig na ang awitin, at mas bibigyan ng karangalan sa kanilang angking husay at galing sa pag-awit.

Kaya sa susunod na sabihin mong "Patay na ang OPM," alalahanin mo yung mga Pinoy artists na nagpupursigi at nagsusumikap upang maabot ang mga pangarap nila, upang mas marinig ang awit nila, upang matuntong ang stage at spotlight at upang makamit ang tinatamasang karangalan at tagumpay sa industriya ng musikang Pilipino.